Bakit Hindi Ka Dapat Magpaligaw

7955709662_fc3ab54108_b

Masyadong marami pero sasabihin ko na yung pinaka dahilan kung bakit hindi pwede: Kasi ang panliligaw ay maihahalintulad sa pamimilit.

Hindi ako bitter pero baka hindi ka na rin magpaligaw pagkatapos kong ipaliwanag sayo.

Ang panliligaw marahil ang pinaka-unang hakbang upang magsimula ang isang matibay na pagsasama. Kung dito pa lang sa parteng ito ay magkakamali ka na, siguradong malaki ang magiging epekto nito sa pagsasama niyong dalawa.

Ganito ang istilo ng mga kalalakihan sa panahon ngayon:

1. Pag-Obserba
Kikilalanin ka niya. Marahil bilang isang kaibigan o pag-silip sa Facebook mo. Maari rin sa pagtatanong sa mga tao sa paligid mo. Sa pagkakataong ito ay oobserbahan niya ang iyong kaugalian, estado, kultura, minsan relihiyon, pisikal na pangangatawan, at ang iyong ideal partner. Pag pasado ka, susunod na ang pag-bago niya sa sarili.

2. Pagbago sa sarili
Pipilitan niyang i-adjust ang sarili upang mapansin at magustuhan mo siya. Siya ang magiging ideal guy mo at tiyak na magugustuhan mo siya. At kung sakali namang hindi niya magawa yung ibang mahirap na aspeto (gaya ng pangangatawan), bibigyan ka niya ng ideya na magpapabago sa kagustuhan mo. Halimbawa “Pangit din pag may abs kasi chick magnet. E pag medyo mataba, masarap yakapin.”

3. Panliligaw
Ito ang step kung saan ipapakita niya sa’yo na may interes siya sayo at gusto niyang maging parte ka ng buhay niya. At dahil siya na nga ang ideal guy mo, papayag ka magpaligaw. At sa loob ng maikling panahon na pagpapakilala niya sayo bilang taong pinapangarap mo, ay mahuhulog ka sa kanya.

Wala namang problema doon kung mapapanatili niya ang sarili niya bilang taong hindi totoong siya hanggang sa pag-tanda niyo. Paglumabas ang tunay niyang kulay matapos ang ilang buwan o taon, may pagkakataong ka pa upang ayusin ang lahat. Yoon nga lang, maraming mga araw na ang nasayang. Nakapanghihinayang kung sa loob ng maikling panahon na kasama mo ang maling tao, ay siya namang nagpakita sayo yung totoong taong para sayo. Masasabi kong swerte ka pa. Isipin mo ngayon kung inilabas niya ang tunay niyang pagkatao after ng kasal niyo. Mas malaking problema, diba?

Ganito na lang. Trust your instincts. Sa iyong imahinasyon, gumawa ka ng ideal guy mo. Itsura, estado, ugali, at lahat ng aspetong masasabi mong mapapa-ibig kang talaga. Ang mundo ay may Pitong bilyong tao na may 1:1 ratio, imposibleng hindi mo mahanap ang ideal guy mo. At kung hindi mo siya makita, marahil hindi pa ito ang tamang oras para makilala mo ang taong magpapatibok ng puso mo.

Kung nahanap mo naman na si Mr.Right, ipagtapat mo sa kanya ang tunay mong nararamdaman at wag mo siyang pakawalan. Ingatan mo siya at huwag mong sasaktan. Tandaan mo na kung mutual ang feelings niyo, madali kayong magkakasundo at magkakaunawaan. Ano man ang gawin niyo ay matatanggap ng isa’t-isa.

Hindi niya kailangang manligaw dahil nagpapa-impress lang naman siya sa’yo. Hindi niya pinapakita ang totoong pagkatao niya, bagkos, ipinapakita niya ang taong gusto mong makita sa kanya. Nararapat lamang na magustuhan mo siya sa totoong pagkatao niya at hindi sa pagpapanggap niya.

By Cinderella
3